Ping: P300-B, Natipid ng Taumbayan sa Loob ng 17 Taong Pagbabantay sa Kaban ng Bayan
Nobyembre 6, 2021 (CARMONA, Cavite) - Sa 17 taon na pagbabantay ni Senador Ping Lacson sa pambansang badyet, umaabot na sa P300 bilyon ang natipid ng mamamayang Pilipino.
Ayon kay Lacson na matiyagang nagbabantay sa paggamit sa kaban ng bayan, malamang ay napunta na sa korapsyon ang perang ito kung hindi niya ito ginawa.
"Hindi sa pagmamayabang, kinwenta namin ang natipid ng bansang Pilipinas. Hindi ko akalain sa loob ng 17 taon na ako senador ng Pilipinas, umabot sa P300 bilyon ang natipid ng mamamayang Pilipino," sabi ni Lacson na tumatayong standard bearer ng Partido Reporma sa isang pagtitipon na naganap dito.
Masusing binantayan ni Lacson ang pondo ng bayan mula sa committee at sa plenaryo, hanggang sa bicameral conference committee.
Sa kanyang paglilingkod bilang senador mula 2001 hanggang 2013 at mula 2016 hanggang sa kasalukuyan, marami ang ibinuking ni Lacson na mga iregularidad at kahina-hinalang items sa pambansang badyet.
Siniguro rin niya na ang kanyang Priority Development Assistance Fund allocations (a.k.a. pork barrel) - na nagkakahalaga ng P200 milyon kada taon- mula 2001 hanggang 2013 ay maibabalik sa National Treasury. Ito ay bago lumabas ang desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang PDAF noong huling bahagi ng 2013.
"Kung hindi nabantay nang maayos, natapon yan. Buwis natin ang ginagamit, utang natin ang ginagamit," ani Lacson.
Muli ring ibinahagi ni Lacson ang kanyang panawagan na ibaba ang resources ng gobyerno sa lokal na pamahalaan para maipatupad nila ang kanilag development projects, na isa sa mga misyon ng kanyang panukalang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).
Sa ilalim ng BRAVE, ang hindi nagagamit na pondo ng bansa na umaabot sa P328.85 bilyon kada taon mula 2010 hanggang 2020 - ay maaaring magamit ng mga LGU.
Nagtapos ang pagbisita ni Lacson sa kanyang kinalakihang probinsya ng Cavite sa isang pagkilala sa mga bagong miyembro ng Partido Reporma.
*********
0 comments:
Post a Comment