Tuesday, March 15, 2022

'People's Day' program sa Tuguegarao, Nais Ipatupad sa Buong Bansa ng Lacson-Sotto Tandem


Marso 16, 2022 - Nais ng tambalang Lacson-Sotto na ipatupad sa buong bansa ang isinasagawang "People's Day" sa Tuguegarao City, Cagayan kung saan ang mga ahensya ng gobyerno mismo ang lumalapit sa mamamayan para maghatid ng kanilang serbisyo.


Ayon kay Senador Ping Lacson, ang ganitong uri ng programa na pinangunahan ni Mayor Jefferson Soriano ay isa sa mga nais nilang ipatupad sa bawat sulok ng bansa.


"Napakaganda, napaka-innovative ng kanyang konsepto... Lahat ng pangangailangan ng mga tao nariyan na lahat. Dinala ni Mayor Soriano ang gobyerno sa mga tao sa halip na ang tao pupunta sa gobyerno," ani Lacson sa kanyang talumpati sa isang consultative meeting kasama ang sectoral representatives sa Tuguegarao City nitong Martes. Kasalukuyang tumatakbo si Lacson sa pagka-Pangulo sa ilalim ng Partido Reporma.


"At ito ang aming ipapamahagi sa aming paglilibot sa iba’t ibang sulok ng kapuluan nang sa ganoon tularan, pamarisan sa buong Pilipinas ang ginagawa ni Mayor Jeff Soriano," dagdag pa ng senador.


Para naman kay Sotto, nakita nila mismo kung gaano naging epektibo ang programa sa mga taga-Tuguegarao. "Nakita namin ni Sen. Lacson gaano kagaling ang ginagawa sa Tuguegarao ni Mayor Jeff Soriano."


Sa ilalim ng People's Day program, ang mga kawani ng ahensya tulad ng Overseas Workers Welfare Administration, Public Attorney's Office, Philippine National Police at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ay nagpupunta sa mga barangay dalawang beses sa isang linggo para maghatid ng kanilang serbisyo.


Ayon kay Lacson, malaki ang matitipid na pera, oras at pagod ng ating mga mamamayan sa ganitong uri ng programa dahil di na nila kakailanganin pang gumising nang maaga at gumastos sa pamasahe para makagawa ng transaksyon sa gobyerno.


"Ang serbisyo publiko ang pupunta sa tao, hindi tao ang pupunta para maghanap ng paglilingkod ng kanilang tinatawag na public servants," dagdag ng presidential aspirant.


Ito rin aniya ang isa sa mga solusyon na kanilang naisip matapos ang kanilang mga konsultasyon sa samu't saring grupo. Para sa Lacson-Sotto tandem, patuloy ang kanilang pagkonsulta sa mga mamamayan para makapagdala ng pangmatagalang solusyon sa mga matatagal nang problema sa bansa.


"So yan ang aming matagal nang pinag-aralan para nang sa ganoon sa pakikipagugnayan natin sa tao sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas alam natin more or less kung anong pwedeng solution. Tough problems call for tough solutions from tough leaders. Kami yan ni Senate President Tito Sotto," saad ni Lacson.


*********



0 comments:

Post a Comment

Popular Posts

Recent Posts

The Leaders We Need!

Text Widget

Blog Archive

Search This Blog

Powered by Blogger.

Blogger templates

Pages

Blogroll

Blogger news

Weekly post