Friday, November 19, 2021

 Lacson top choice na presidente sa Visayas

Patuloy ang pag-angat ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson sa presidential race para sa 2022 elections, patunay dito ang resulta ng survey kung saan siya ang top choice para maging susunod na pangulo ng mga taga-Cebu.

Ang Cebu ay itinuturing na ‘battleground province’ tuwing panahon ng halalan dahil sa dami ng mga rehistradong botante rito na tiyak na magkakaroon ng malaking ambag sa resulta ng darating na malawakang eleksyon.

Naungusan ni Lacson ang mga katunggali nitong kandidato sa pagkapangulo sa ginawang independent survey mula Nobyembre 6 hanggang 12, kung saan nakakuha siya 64 porsyento ng boto mula sa mga Cebuano.

Sa tanong na ‘Kung gaganapin ang eleksyon ngayong May 2022, sino ang iboboto mong pangulo/presidente?’ nanguna si Lacson sa mga taga-Mandaue City, Cebu gayundin sa Amlan, Negros Oriental.

Tumatak si Lacson sa mga Cebuano at nakuha ang 247 na boto. Sinundan siya ni Bongbong Marcos na may 223. Nag-tie naman sa botong 70 sina Vice President Leni Robredo at Senador Manny Pacquiao. Pang-apat na puwesto si Manila Mayor Isko Moreno habang panglima si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Sa Negros, numero uno rin si Lacson na nakuha ang 33 votes. Sumunod sa kanya ang presidential daughter na si Mayor Sara (18), habang pangatlo sa puwesto si Marcos (13). Pang-apat sa ranking si Robredo (5) habang tie sa last spot sina Pacquiao at Moreno (2).

Samantala, sa mga rehiyon ng National Capital Region (NCR), North Luzon, Central Luzon at Southern Tagalog, nananatiling malakas si Lacson kumpara sa iba pang mga katunggali sa pagkapangulo sa 2022 elections.

Pumangalawa si Lacson sa pinaka-pinipili ng mga taga-NCR para maging presidente, nakuha nito ang 359 votes. Habang nanguna si Marcos na may 889 votes. Pangatlo si Moreno (178), pang-apat si Robredo (168), panglima si Duterte-Carpio (101) at pinakahuli si Pacquiao (44).

Sa North at Central Luzon, na malapit sa balwarte ng mga Marcos, hindi kataka-takang nasungkit ng dating senador ang unang puwesto at may 1,142 votes. Pangalawa si Lacson (490), na sinundan ni Robredo (234). Pang-apat si Moreno (204), panglima si Pacquiao (122), habang si Duterte-Carpio ang nakakuha ng pinakamaliit na boto (47).

Tumatak rin si Lacson, na tubong-Cavite, sa mga botante sa Southern Tagalog. Sa 388 votes, pumangalawa siya kay Marcos (758). Pangatlo naman si Robredo (182), pang-apat si Moreno (141), panglima si Duterte-Carpio (37) at pinakahuli si Pacquiao (34).

Batay pa rin sa nasabing survey, nakuha ng running mate ni Lacson na si Vicente “Tito” Sotto III ang unang puwesto sa lahat ng mga kalahok na botante sa mga piling rehiyon.

Tuloy-tuloy ang ginagawang mga “Online Kumustahan” nina Lacson at Sotto, gayundin ang pakikipagpulong nila sa mga lokal na lider at residente ng iba’t ibang probinsya na ang layunin ay maipakilala ang mga plataporma ng Partido Reporma at matukoy ang mga pangunahing pangangailangan ng mga komunidad.

Tinatayang nasa 6,176 respondents ang lumahok sa isinagawang independent survey para sa pagkapangulo habang 4,393 naman ang mga sumagot sa survey para sa mga kandidato para bise presidente.

*********

0 comments:

Post a Comment

Popular Posts

Recent Posts

The Leaders We Need!

Text Widget

Blog Archive

Search This Blog

Powered by Blogger.

Blogger templates

Pages

Blogroll

Blogger news

Weekly post