Liderato ni Ping, Titindig Laban sa Pambu-Bully ng China sa WPS
Nobyembre 22, 2021 - Mas matatag na paninindigan laban sa bullying sa West Philippine Sea at pagkakaroon ng balance of power ang isa sa mga gagawing prayoridad ng administrasyong Lacson sakaling palarin na mahalal si Senador Ping Lacson sa pagka-Pangulo.
Ayon kay Lacson, bagama't kailangang panatilihin ang ating pakikipagkalakalan sa China, hindi dapat isakripisyo ng ating bansa ang karapatan at soberenya.
"Tinuturing nating kaibigan ang China pero ang turing ba nila sa atin kaibigan? Dapat equal footing, hindi one way," ani Lacson sa kanyang panayam sa Radyo 5.
"Meron tayong sovereign rights sa EEZ natin kaya dapat i-assure natin na lahat ng nations that freedom of navigation will be observed and upheld. Ang China wala sa kanila ang freedom of navigation," dagdag ni Lacson.
Nang tinanong ang senador kung magiging prayoridad niya ang isyu sa West Philippine Sea sakaling mahalal bilang Pangulo sa 2022, sinabi ni Lacson na matagal na niyang ipinaglalaban ito.
"Records will bear this out: Maski di pa ako kandidato, ito ang gusto ko mangyari, ma-enhance ang ating alliance hindi lang sa US kundi sa ibang bansa."
Paliwanag ni Lacson, ang pagkakaroon ng balance of power ang makakapigil sa China na magsagawa ng incursions at pananakot sa mga maliliit na barko ng ibang bansa.
Ibinahagi rin ng presidential candidate ang isang impormasyon na nalaman nya kung saan binalaan ng China ang isang US warship na dumadaan sa lugar. Matapos igiit ng kapitan ng US vessel ang kanilang right of innocent passage, hindi na sila inatake o hinarang ng naturang Chinese vessel katulad ng ginawa nila sa dalawang Philippine vessels na patungo sa Ayungin Shoal noong Nov. 16.
"Doon natin nakikita na pag may balance of power sa WPS, hindi talaga magkakagiyera at mapapangalagaan natin ang ating sovereign rights and territorial integrity," sabi ni Lacson.
Sa kabilang banda, naniniwala si Lacson na panahon na para bisitahing muli ang PH-US Mutual Defense Treaty, matapos magpahayag ang US ng naisin na paigtingin ang mga aksyon patungo sa pagkakaroon ng international law-based maritime order, kabilang na ang freedom of navigation.
Binigyang diin naman ni Lacson na wala siyang pinapaboran na anumang bansa dahil dapat naka-angkla sa interes ng ating bansa ang ating foreign policy.
"Malinaw sa West Philippine Sea, ang national interest natin ma-exercise ang sovereign rights within the EEZ at sovereignty natin within 12 nautical miles," paliwanag ni Lacson.
Matagal nang isinusulong ni Lacson, na kasalukuyang presidential standard bearer ng Partido Reporma, ang pagkakaroon ng balance of power sa West Philippine Sea, sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ating ugnayan sa mga kakamping bansa na may malakas na kapasidad pang-militar at may pagpapahalaga sa freedom of navigation sa lugar.
*********
0 comments:
Post a Comment