Ama na Jeepney Driver, Inspirasyon ni Ping sa Paglaban sa Kotong
Nobyembre 7, 2021 (CABUYAO, Laguna) - "Nakotongan na naman ako."
Ang mga salitang ito mula sa kanyang amang si Buenaventura ang nagtulak sa batang Ping Lacson na labanan hindi lamang ang kotong kundi pati na rin ang lahat ng uri ng korapsyon.
Inalala ni Lacson noon ang kanyang ama na pagod na umuuwi sa kanilang bahay nang may pag-alala na hindi masustentuhan ang kanyang pamilya dahil ang maliit na kita nito ay kinukubra pa ng tiwaling pulis.
"Pawis na pawis siya at pagod na pagod. Halos hindi na makakain ng hapunan kasi pagod na. 'Nakotongan na naman ako kaya ang ihahain sa hapag kainan ay nabawasan,'" kwento ni Lacson - na kinalaunan ay pinamunuan ang Philippine National Police at nakilala sa kanyang pagsugpo sa kultura ng pangongotong sa hanay ng kapulisan - sa isang pagtitipon dito noong Sabado ng hapon.
"Maybe subliminally naalala ko ang aking ama, at ina na nagbebenta sa palengke ng tela - hindi pwedeng magpatuloy itong kotong sa PNP. Hindi lang dahil sa aking ama; dahil sa libo-libong driver ng jeepney, driver ng taxi at driver ng bus at PUV, tapos ang manggugulay," dagdag ni Lacson.
Ayon kay Lacson, nakasanayan ng mga nagtitinda ng gulay noong 1990s na magtabi ng P1,000 para sa mga "checkpoints" ng mga nangongotong. Dahil dito, pinapatawan nila ng dagdag presyo ang kanilang paninda para makabawi.
Noong winakasan ni Lacson ang "kotong cop" culture, naramdaman ito ng mga tao dahil kasunod nito ang pagbaba ng presyo ng mga gulay.
"Anong tama niyan sa amin bilang pangkaraniwang mamamayan? Nagmura ang gulay at bilihin," sabi ni Lacson.
Sa isang pagtitipon sa Imus, Cavite nitong Biyernes, sinabi ni Lacson na dahil sa nangyari sa kanyang ama, natuto siyang sikaping solusyonan agad ang isang problema sa halip na pag-aralan lamang ito. "Pag nakakita ng problema, grapple with the problem. Ora mismo i-solve ang problema," kwento ni Lacson.
Sa kanyang panunungkulan bilang pinuno ng PNP mula 1999 hanggang 2001, binuwag ni Lacson ang mga korap na pulis at naibalik niya ang tiwala ng taumbayan sa kapulisan sa pamamagitan ng kanyang "No to Kotong Policy” at matinong pamumuno.
Kahit pa noong siya ay naging senador, hindi nahinto si Lacson sa pagsugpo sa korapsyon at nangakong ipagpapatuloy pa ang laban dito.
*********
0 comments:
Post a Comment