Ping, Ipinagkatiwala sa Diyos ang Mga Desisyon sa Buhay
Disyembre 5, 2021 - "May langit. Tandaan nyo may langit."
Ito ang paalala ni Senador Ping Lacson sa mga kapwa Kabitenyo nang binisita niya ang kinalakihang probinsya kasama ang kanyang running mate na si Senate President Vicente "Tito" Sotto III nitong Biyernes.
Kuwento ni Lacson sa mga lokal na opisyal ng Cavite at mga miyembro ng local Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) sa General Trias City, may isa syang karanasan na nagpaalala sa kanya sa Diyos. Si Lacson ay kasalukuyang tumatakbo bilang presidential candidate sa ilalim ng Partido Reporma.
Pagbabahagi nito, muntikan na siyang malunod sa isang ilog noong sya ay lima o anim na taong gulang nang siya ay bumisita sa kanyang mga lolo at lola sa General Trias.
Nang siya ay nasa bingit ng kamatayan noon, tila nakakita siya at nakarinig ng mga anghel na kumakanta sa langit bago pa man siya mailigtas ng kanyang pinsan na nag-abot sa kanya ng sanga ng puno para makapitan.
"Pag tingala ko sa langit—dahil lubog-lutang e, talagang lunod, hindi marunong lumangoy e — alam niyo ang nakita at narinig ko? Mga anghel na nagkakantahan," kwento ni Lacson.
"Pero simula noon, ewan ko, parang milagro — natuto akong lumangoy. Pagbalik ko sa ilog, marunong na akong lumangoy, at hindi lang langoy—sumisisid pa," dagdag nito.
Ito aniya ang kanyang karanasan na kanyang inalala noong napwersa syang magbitiw sa pwesto sa Philippine National Police noong 2001 - dahil sa mga kaganapan sa EDSA II na nagpatalsik kay dating Pangulong Joseph Estrada. Hindi pa siya dapat mag reretiro noon hangga't hindi pa niya
natatapos ang kanyang apat na taong termino bilang Chief PNP na dapat sana ay matatapos pa ng Nov. 16, 2003.
Ngunit ito ang nagdala sa kanya sa Senado kung saan siya nanungkulan bilang senador mula 2001 hanggang 2013 at mula 2016 hanggang 2022.
"Lahat dine-design sa itaas, dine-design ng Diyos. Kayo siguro may karanasan sa buhay na hindi nyo sukat akalain... May hindi natin pinlano pero nangyari," ani Lacson.
Sabi ni Sotto, na tumatakbo sa pagka-Bise Presidente sa ilalim ng Nationalist People's Coalition, ang mga pangyayaring ito ay nagpapakita lamang na may plano ang Diyos para sa kanyang ka-tandem na si Lacson.
"Talagang ang Panginoon binigyan siya ng mas mahabang buhay," ani Sotto. Dagdag pa niya, nilagay si Sotto sa posisyon na para bigyang solusyon ang problema ng bayan tulad ng banta sa kapayapaan, ekonomiya, agrikuktura, at mga epekto ng pandemya.
Mainit na tinanggap ang tambalang Lacson-Sotto ng mga residente kasama ang kanilang senatorial bets na sina Raffy Tulfo at Partido Reporma candidates na sina Guillermo Eleazar at Minguita Padilla. Nakipapulong sila sa mga lokal na opisyal ng General Trias kabilang na sina General Trias Mayor Antonio Ferrer at Rep. Luis Ferrer IV.
Nakipag-usap din sila sa mga lokal na opisyal at TODAs sa Tanza at nagbigay ng courtesy visit kay Imus Bishop Rey Evangelista.
*********
0 comments:
Post a Comment