'Homecoming': Lacson-Sotto Tandem, Bibisita sa Cebu
Disyembre 10, 2021 - Isang homecoming ang inaasahan para kina Senador Ping Lacson at Senate President Vicente "Tito" Sotto III sa kanilang pagbisita sa Cebu nitong Biyernes para sa kanilang Online Kumustahan sa weekend.
Inaalala ni Lacson ang kanyang pagiging "Adopted Son of Cebu" nang siya ay namuno roon bilang commander ng noo'y Philippine Constabulary Cebu Metropolitan District Command (MetroDisCom) mula 1989 hanggang 1992. Tumatakbo si Lacson sa pagka-Pangulo sa ilalim ng Partido Reporma.
Si Sotto naman na tumatakbo sa pagka Bise Presidente sa ilalim ng Nationalist People's Coalition ay may mga kamag-anak sa Cebu kung saan nanggaling ang kanyang ama.
"Importante ang Cebu sa akin. Adopted son ako ng Cebu dahil na-assign ako riyan as MetroDisCom Commander for 28 months, at nag-request sila kay then President Cory Aquino na i-retain ako," ani Lacson sa lingguhang LACSON-SOTTO media forum.
Nakatakdang matapos noon ang dalawang taong termino ni Lacson bilang field commander sa Cebu noong Agosto 1991 ngunit hiniling ng mga residente sa yumaong Mrs. Aquino na palawigin pa ang kanyang termino kaya namalagi sya sa Cebu hanggang Pebrero 1992 noong siya naman ay inilipat na sa Laguna.
Para naman kay Sotto, nais nilang ipresenta ang kanilang plataporma sa mga residente ng Cebu bilang vote-rich province at may epekto rin ito sa ibang mga probinsya sa Central Visayas.
"It's not only important, it is critical. It has a trickle down effect on the entire Region 7. My family on my father’s side comes from Cebu," ani Sotto.
Ayon naman kay Lacson, ang kanyang pagiging adopted son ng Cebu ay bilang pagkilala sa kanyang paglilingkod nang may katapatan nang pinamunuan nya ang Cebu MetroDisCom.
Sa kanyang pagsisilbi sa probinsya, ibinahagi ni Lacson na kanilang nasagip noon ang batang biktima ng kidnapping na anak ng pamilya Gaisano. Inalok sya ng pamilya ng pabuya kapalit ng pagkakasagip sa bata ngunit mariin nya itong tinanggihan.
"Consistent ako riyan. We did our duty, you don’t have to think of giving reward money to my men. Yan ang tumatak sa kanila," pag aalala ni Lacson.
"Kaya importante on a personal level na mabisita ang Cebu, to remind them adopted son nyo ako baka pwede tangkilikin nyo ako," dagdag nito.
*********
0 comments:
Post a Comment