Ping: Digitalization, May Malaking Papel sa Pagsasaayos ng NPA-Cleared Areas
December 12, 2021 (CATARMAN, Northern Samar) - Magiging prayoridad ang digitalization at data-driven approach sa pagsasaayos ng mga lugar na nawalan na ng New People's Army (NPA), ayon kay Senador Ping Lacson.
Para kay Lacson, hindi maaaring pabayaan ang mga barangay na "cleared" na, dahil maaaring sumali uli sa NPA ang mga residente.
"Napakaganda ng concept, ang objective ng NTF-ELCAC. Ang problema, implementation. Kailangan may barangay development program pero hindi na-implement. Kakapiraso lang," ani Lacson sa isang press conference dito nitong Linggo.
Ayon sa Senate records, 26 lamang ng 2,000-plus NTF-ELCAC projects - o iisang porsyento lamang - ang nakumpleto hanggang sa kasalukuyan.
Maliban pa ito sa kwestyonableng pamamahagi ng pondo sa ilang barangay at ang kawalan ng alokasyon ng pondo sa mga barangay na kailangan ng resources.
Para kay Lacson, sa bisa ng digitalization at data-driven approach, mas mabilis na makakakilos ang gobyerno para makapaglaan ng kailangang resources sa mga barangay na kailangan ng pondo para sa kanilang development projects.
"So again, dapat laging data-driven, oras na gagalaw ang executive branch. Dapat naka base sa data at bilisan ang pag-process. Kaya kasama sa programa namin digitalization para mabilis ang pagproseso ng gobyerno. Napakaraming problema pagdating sa implementation," paliwanag ni Lacson.
Ayon naman kay Senate President Vicente "Tito" Sotto III, ang mainam na stratehiya ay ang maayos na pagpapatupad ng programa at distribution ng pondo.
"It’s really a matter of implementation. There is much to be desired as much far as implementation and execution is concerned," ani Sotto. Dagdag pa nya, nais nilang mabigyan ng pagkakataon na maipatupad nang maayos ang mga batas na ipinasa nila sa Kongreso.
"Tingin namin kung kami bigyan ng pagkakataon mag-implement, ma-implement namin nang mabilis at tama," dagdag ni Sotto.
Tumatakbo si Lacson sa pagka-Pangulo sa ilalim ng Partido Reporma habang si Sotto ay tumatakbo sa pagka Bise Presidente sa ilalim ng Nationalist People's Coalition. Dumating sila dito nitong Linggo kasama ang Partido Reporma senatorial bets na sina Minguita Padilla, Monsour del Rosario, at Guillermo Eleazar.
*********
0 comments:
Post a Comment