Kapayapaan ang Nanaig Laban sa Karahasan! Ping, Kinilala ang Desisyon ng SC sa Anti-Terrorism Act
Disyembre 9, 2021 - Nanaig ang kapayapaan laban sa karahasan!
Kinilala ni Senador Ping Lacson nitong Huwebes ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa mga petisyon laban sa Anti-Terrorism Act of 2020.
"Peace wins over terror. Yan ang maliwanag diyan," saad ni Lacson sa lingguhang LACSON-SOTTO "Meet the Press" forum. Kasalukuyang tumatakbo si Lacson sa pagka-Pangulo sa ilalim ng Partido Reporma
"Kami masaya bilang principal sponsor, masaya sa decision ng Korte Suprema. Principal author si Senate President Vicente 'Tito' Sotto III. Doon natin nakita ang collective wisdom ng magistrates,” dagdag ni Lacson.
"Hail, hail the Supreme Court!" ani naman ng ka-tandem ni Lacson na si Senate President Vicente "Tito" Sotto III, na tumatakbo sa pagka Bise-Presidente sa ilalim ng Nationalist People's Coalition.
Ani Lacson, ang desisyong ito ng Korte Suprema ay nagpapakita na konstitusyonal pa rin ang Anti-Terrorism Act of 2020.
Aniya, ang di pagsang-ayon ng Korte Suprema sa probisyon na ang Anti-Terrorism Council ay maaaring i-adopt ang request ng ibang hurisdiksyon o supranational jurisdictions for designation ay nangangahulugan na ang Pilipinas ay isa pa ring bansa na may sariling pananaw at proseso.
"Nakabuti rin yan kasi nakita ng Korte Suprema na independent country tayo, may sariling pananaw, dapat igalang ang sarili nating proseso,” ani Lacson.
Dagdag pa ni Lacson, ang desisyong ito ng Korte Suprema ang magbibigay ng tsansa sa Pilipinas na matanggal sa listahan ng Global Terrorism Index.
Noong mga nakaraang taon, kasama ang Pilipinas sa Top 10 na kabilang sa Global Terrorism Index kasama ang mga bansa tulad ng Afghanistan, Iraq at Syria.
Samantala, sinabi naman ni Lacson na ang naturang desisyon ang magbibigay sa gobyerno ng legal backbone para labanan ang mga armadong grupo kabilang na ang mga sangkot sa nakaraang insidente ng karahasan sa Mindanao.
Kaakibat din ng desisyong ito ang pagkakaroon ng development at livelihood programs para matigil na ang pagbabalik ng mga armadong grupo sa oras na sila ay mapuksa.
"Isa sa top priorities namin ang peace and order issue di lang sa malalaking siyudad lalo na sa malalayo na di halos abot ng presence ng government,” paliwanag ni Lacson.
"Babalik ako sa primary program sa budget reform kung saan dapat ibaba natin ang malaking portion ng national budget sa malalayong lugar para magkaroon ng development and livelihood programs. Of course strong presence ng security forces,” dagdag pa nito.
*********
0 comments:
Post a Comment