Ping: Pagluluwag sa Curfew at Sektor ng Transportasyon, Makatutulong sa Pagbukas ng Ekonomiya
Nobyembre 4, 2021 - Makikinabang ang ekonomiya ng bansa sa pagluluwag ng curfew at pagtatanggal sa ilang limitasyon sa sektor ng transportasyon na lubhang naapektuhan ng pandemya, ayon kay Senador Ping Lacson nitong Huwebes.
Bagama't suportado ni Lacson ang pagbabalik ng ilang negosyo at pabubukas ng ekonomiya, pinaalalahanan pa rin nito ang mga otoridad na siguruhing may pinapatupad pa rin na containment strategies para maiwasan ang pagkalat ng virus.
"Sinusuportahan namin ang move na magbukas ng ekonomiya, para sa ganoon medyo sumigla ang ating business activities. Huwag lang kalimutan ang containment strategy na nakasanayan natin," ani Lacson sa kanilang kauna-unahang LACSON-SOTTO media forum.
"As far as I’m concerned, it’s about time mag-open up tayo, pag-lift ng curfew at pagtaas ng capacity ng passenger buses, tama ang move na yan," dagdag pa ng senador.
Tumatakbo si Lacson sa pagka-Presidente sa ilalim ng Partido Reporma habang si Senate President Vicente "Tito" Sotto III ay tumatakbo sa pagka-Bise Presidente sa ilalim ng Nationalist People's Coalition.
Sa kabila ng pagbubukas ng ekonomiya, mahalaga pa rin na ipagpatuloy ng gobyerno ang testing, tracing, treatment at vaccination efforts, ayon sa presidential aspirant.
Mahalaga aniya na maipamahagi na rin ng lokal na pamahalaan ang mga bakuna sa lalong madaling panahon dahil ayon sa mga namumuno sa kani-kanilang LGU, malapit nang mag-expire ang mga ito sa loob ng isa hanggang tatlong buwan.
"Importante ang rollout kasi masasayang," ani Lacson.
Base sa datos ng National Economic and Development Authority, aabot sa P20.5 bilyon ang nawawala sa Metro Manila kada araw ng lockdown kung saan pinaka-tinamaan ang micro, small and medium enterprises.
Ayon naman sa isang pag-aaral ng ADB Institute, 73 porsyento ng mga nangyaring layoffs noong February 2021 ay mula sa MSMEs - na ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority ay sakop ang 99.5 porsyento ng mga maliliit na negosyo at 63.2 porsyento ng mga manggagawa - ang pinakaunang tinamaan ng malawakang community lockdown.
*********
0 comments:
Post a Comment