Ping: Hindi Dapat Maging Kampante ang Gobyerno sa Kabila ng Bumababang Kaso ng Covid
Oktubre 30, 2021 - Hanggang hindi nauubos ang kaso ng Covid sa bansa, hindi maaaring sabihin ng gobyerno na naging matagumpay ang pagresponde nito sa pandemya, ayon kay Senador Ping Lacson nitong Sabado.
Ayon sa senador, hindi dapat basta maging kampante ang otoridad bunsod ng pagbaba ng kaso ng Covid nitong mga nakaraang linggo.
"Masasabi nating tagumpay na tayo kung zero tayo sa cases. As long as may isa o dalawa, e libo pa tayo, di pwede sabihin, ani Lacson sa kanyang panayam sa DWIZ radio.
Binigyang halimbawa ni Lacson ang ibang mga bansa at teritoryo kung saan agad silang nagpapatawag ng emergency meetings kahit na isa lamang ang naitala nilang kaso.
Sa Pilipinas, sinabi ni Lacson na patuloy pa rin ang pagkakaroon ng "lapses" ng gobyerno na kailangang masolusyonan, bukod sa mga isyu kabilang na ang kawalan ng tiwala ng publiko sa ibang brand ng bakuna.
Binigyang diin din niya ang pangangailangan na sugpuin ang korapsyon lalo na sa Department of Health, para mas magamit nang maayos ang limitadong pera para makabili at makapagturok pa ng bakuna sa mas nakararaming Filipino.
Aniya, kailangang mabuwag ang sindikato sa DOH na nasa likod ng overpricing ng medical supplies kabilang ang mga ambulansya na nabili gamit ang pondo ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP).
Para kay Lacson na tumatakbo sa pagka-Pangulo sa ilalim ng Partido Reporma, kailangan ding ibaba ang pondo ng DOH sa mga local health units sa halip ng pagpasa lamang ng ilang tungkulin nito sa lokal na lebel pero ang pondo ay nananatili pa rin sa central office.
"Devolution tayo devolve lang function pero naiwan ang pera sa taas," saad ni Lacson.
*********
0 comments:
Post a Comment