Ping, Isinusulong ang Emergency Employment, Local Food Terminals Para Matugunan ang Kawalan ng Trabaho
Oktubre 16, 2021 - Kailangang gawing prayoridad ng gobyerno ang pagkakaroon ng emergency employment program at mga food terminal sa bawa't rehyon para matugunan ang kawalan ng trabaho, ani Senador Panfilo "Ping" Lacson nitong Sabado.
Ayon kay Lacson, kasama ito sa mga adjustment na kailangang gawin ng gobyerno para makabangon sa epekto ng pandemya sa ating ekonomiya at kalusugan - habang patuloy itong sumisikap para ma-kontrol ang Covid at masugpo ang korapsyon.
"Kung interim, sa emergency employment, government internship. Or sa mga mas mataas ang qualification, pwedeng kausapin ang private sector na tanggapin sa internship program nila. Gamitin na ring opportunity sa pag-harness ng kanilang skills," ani Lacson sa kanyang panayam sa DZRH.
Paliwanag ng senador, hindi lamang nito mapapakinabangan ang mga kakayahan ng mga kabataan kundi maihasa na rin ang kanilang talino, habang patuloy na rumeresponde ang gobyerno laban sa Covid-19.
"We cannot effectively address joblessness due to the closure of businesses amid the pandemic, if we don’t reopen the economy," punto ni Lacson.
Samantala, isinulong din ni Lacson ang pagkakaroon ng local food terminals sa bawa't island group o rehiyon para matulungan ang mga magsasaka at boat operators na nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya.
"Ang food terminal natin sa Taguig napakalaki, almost barren ang lupa. Hindi ba pwedeng mag-create sa bawa’t island group may food terminal? Bawa’t region may food terminal," sabi ni Lacson.
Maaaring makatulong din dito ang pagbibigay sa mga magsasaka ng inputs katulad ng mga binhi, abono o pataba at irigasyon. Si Lacson ang isa sa mga may akda ng Free Irrigation Law - kung saan binigyang pansin ng senador na two-thirds lamang ng tatlo hanggang apat na milyong ektarya ng lupa sa Pilipinas ang may sapat na irigasyon .
Ngunit binigyang diin ni Lacson na kailangan na maging kasabay ng mga programang ito ang patuloy na pagpuksa sa Covid at korapsyon. Aniya, dapat iwasan na ang overregulation sa pribadong sektor at sa halip ay ayusin ang pagpapatupad ng budget reform at gawing prayoridad ang research and development at paggamit ng information and communications technology.
Bagama't dalawa hanggang tatlong taon pa ang itatagal para madama ng mga magsasaka ang benepisyo mula sa subsidiya ng gobyerno, posible rin aniya na hindi ito makaabot sa kanila dahil sa talamak na korapsyon.
"Ang overarching dito, talaga kailangan ayusin ang Covid response natin kasi napakasama. Babalik tayo sa No. 1 problem sa ating bansa which is corruption. Ang binibiling palay nakikinabang ang importers, karamihan di natin kababayan, ito ang pumapatay sa ating magsasaka," paliwanang ng presidential aspirant.
Binigyang diin ni Lacson na hindi lamang limitado sa rice importation ang problema. Sa katunayan, ang Pilipinas ay nakaugalian nang mag import ng mga produkto sa halip na tangkilikin at ayusin ang kapasidad ng ating bansa sa food production sa pamamagitan ng agrikultura.
"We are a nation of imported goods. Instead of maximizing our food production through agriculture, warehousing and processing and marketing, we are fixated on importing even food items that our farmers and scientists and researchers are capable of mass producing," diin ni Lacson.
*********
0 comments:
Post a Comment