Ping, Idinetalye ang Overpriced Equipment sa Loob ng mga Nabiling Ambulansya ng DOH
Oktubre 20, 2021 - Sa loob ng mga overpriced na ambulansya na binili ng Department of Health (DOH), ay may mga overpriced din na mga kagamitan tulad ng automated external defibrillators (AEDs), mobile phones, dashboard cameras at stretchers.
Isiniwalat ito ni Senador Ping Lacson nitong Miyerkules kasabay ng kanyang muling panawagan sa DOH na gamitin nang tapat at maayos ang kaban ng bayan.
"These are public funds. I augmented the budget of the Health Facilities Enhancement Program (HFEP) to comply with the Universal Health Care Law. Somehow I feel guilty when I see overpricing," ani Lacson sa pagdinig ng Senado sa panukalang badyet ng DOH para sa 2022.
"Sana man lang maging judicious tayo sa paggastos ng public funds," aniya.
Dagdag pa ng senador, nagkakahalaga ng P15,000 kada isa ang biniling dashboard cameras ng ahensya kahit na ang retail prices nito ay nagkakahalaga lamang ng P4,500 kada isa - lumalabas na P10,500 ang diperensya nito sa naunang presyo.
Nagkakahalaga naman ng P23,800 kada isa ang stretchers kahit na P21,200 lamang ang tunay na presyo nito.
Sa kabilang banda, bumili rin ang DOH ng AEDs na nagkakahalaga ng P165,000 kada isa para sa Region 4A, kahit na ang retail price ng ganitong equipment ay nagkakahalaga lamang ng P96,500 - lumalabas na P68,000 ang itinaas sa presyo.
"These are the things we want explained by the Department para hindi na maulit," giit ni Lacson.
Sumang-ayon naman dito si DOH Secretary Francisco Duque III at sinabi na iniutos na nya sa kanyang staff na tignan ito at kailangan nila ng "brand-to-brand comparison."
"Canvass namin ang actual brand and specifications. Yan ang ginawa namin para sigurado na. If you want, we can furnish you to aid you in your investigation," ani Lacson.
Samantala, isinulong naman ni Lacson ang pagkakaroon ng Special Risk Allowance-type assistance para sa mga outsourced personnel ng mga pampublikong ospital para masiguro na nasusuwelduhan sila nang maayos.
"Siguro kung outsourced ang hospitals advice namin isama sa contract nila ang parang SRA-type assistance to their personnel," sabi ni Lacson.
*********
0 comments:
Post a Comment