Hulyo 30, 2021
Tiniyak ni Senador Panfilo Lacson sa publiko na ipapasa ng Senado sa takdang panahon ang pambansang gastusin para sa susunod na taon, kahit pa masabay ito sa kanilang paghahanda para sa pangkalahatang halalan sa 2022.
Kasunod ng naunang deklarasyon ng pagsabak sa 2022 presidential elections, inihayag ni Lacson na gagawin niya at maging ng kanyang mga kasamahan sa Senado ang kanilang tungkulin na busisiin ang pambansang badyet at ito ay aprubahan bago mag-break ang sesyon sa Disyembre.
"The passage of the national budget bill will not be delayed if we can help it. While we are aware of the Oct. 1-8 schedule for filing of certificates of candidacy, we can assure our people that the preparations for the 2022 elections will not disrupt our efforts to scrutinize and pass the national budget. Hangga't nasa loob kami ng Senado at ginagampanan ang aming mga tungkulin bilang senador, we will be legislators first and foremost," paliwanag ni Lacson.
Sa nakikita ni Lacson, malabong magkaroon ng reenacted budget.
"Senate President Vicente C. Sotto III and I are hopeful there will be no reenacted budget, and that the budget bill will be passed before the December break," dagdag ng mambabatas.
Una nang inaprubahan ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang P5.024 trilyon na hangganan ng paggastos para sa susunod na taon, sa ilalim ng 2022 National Expenditure Program na mas mataas ng 11.5 porsiyento kumpara sa kasalukuyang taon.
Pero ayon kay Lacson, ang pagtiyak ng pagpasa sa pambansang gastusin sa itinakdang panahon ay hindi nangangahulugan na hindi na niya ito malalimang pag-aaralan dahil tuloy pa rin ang nakagawian niyang pagtatanong sa mga responsableng opisyal para masiguradong may pananagutan ang mga ito.
Kasama sa mga itatanong ng mambabatas kahit pa sa pamamagitan ng executive session kung kinakailangan, ay kung bakit mas malaki kumpara sa budget deficit ang mga halagang inuutang ng ating pamahalaan.
"What is unacceptable is that projects that did not go through planning and vetting are inserted into the budget bill, and there is no way for the implementing agency to determine if the project will not be substandard. That’s what we will fight for - proper accountability," banggit ni Lacson sa Kapihan sa Manila Bay.
Bubusisiin din ng mambabatas ang gastos ng gobyerno sa pagbili ng COVID-19 vaccines upang matiyak na nagagamit nang tama ang limitadong pondo at hindi masayang ang bahagi nito.
Dapat din aniyang paglaanan ng mas malaking alokasyon ang research and development dahil bagama’t kailangan ito para makabuo ng solusyon sa mga problemang kagaya ng pandemya, nasa 0.4 porsiyento lamang ng badyet ang naitatabi para rito nitong mga nakalipas na taon.
"Our homegrown scientists go abroad because they do not get enough support from the government," malungkot na pahayag ng mambabatas.
Muli ring iginiit ni Lacson ang kanyang panawagan sa zero-budgeting approach na katulad sa ginagawa sa pagpapatakbo ng mga pribadong korporasyon.
Inulit din ng mambabatas ang kanyang paghahangad na pagkalooban ng mas malaking pondo ang mga lokal na pamahalaan, kasabay ng responsibilidad na gamitin sa wastong paraan ang mga ito sa pagpapatupad ng mga proyektong pangkaunlaran.
Ang pagpapalakas sa mga lokal na pamahalaan ay sentro ng panukalang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) ng mambabatas.
"I have not been so determined than now to see it through," ayon kay Lacson.
0 comments:
Post a Comment