Lacson-Sotto, Kinakasa na ang Mga Panukalang Solusyon sa Pandemya
Oktubre 26, 2021 - Isang mahusay na estratehiya na nakatuon sa kalusugan at ekonomiya ang hinahanda ngayon nina Senador Ping Lacson at Senate President Tito Sotto bilang pagtugon sa pandemya, sakaling palarin silang manalo sa eleksyon sa Mayo 2022.
Binigyang diin ito ni Lacson nitong Martes kasabay ng kanyang panawagan na unahin ang pagbabakuna sa mas nakakararaming populasyon, dahil hindi lubos na mabubuksan ang ating ekonomiya kung hindi makakamit ang herd immunity.
"Dalawa ang napakalaking problema sa pandemic: Health at economy. Vaccination ang Number 1 solution dahil nakita natin sa ibang bansa pag mataas ang vaccination rate nakabukas sila ng ekonomiya. Yan dapat pag-ukulan natin ng pansin," ani Lacson sa kanyang panayam nitong umaga sa DZRH.
"Maraming pagkakamali sa simula, pero pwede pang i-correct yan," dagdag nito.
Si Lacson ay tumatakbo sa pagka-Presidente sa ilalim ng Partido Reporma habang si Sotto ay tumatakbo naman sa pagka-Bise Presidente sa ilalim ng Nationalist People's Coalition.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagkokonsulta ng tambalang Lacson-Sotto sa mga eksperto para mas mabilis na matugunan ang pandemya at magkaroon ng mas maayos na alternatibo kapalit ng lockdown na lubhang nakaapekto sa ekonomiya ng bansa.
Ani Lacson, pinag-aaralan din nila ni Sotto ang iba pang mahusay na pamamaraan para mabuksan ang ating ekonomiya, kasama ang pagbigay ng insentibo para sa mga foreign investors.
Kasama sa kanilang masusing pinag-aaralan ang mataas na gastos sa paggawa at enerhiya sa bansa, at ang pagpapatupad ng digitalization at interoperability ng mga ahensya ng gobyerno.
"Ito dapat tumutulong sa aming ekonomista at iba't ibang expert sa iba't ibang field," aniya.
"Ang iba digitalized na, may interoperability ang national at local government agencies. Tayo naiwanan diyan," dagdag ng presidential aspirant.
Paliwanag pa ni Lacson, panahon na para pag-ukulan ng pansin ang research at development para mas maging competitive ang bansa sa panahon ngayon ng "modern information technology."
Kasama rin sa plano nila ang paglilinis ng burukrasya at paglaban sa korapsyon, kung saan iginiit ni Lacson ang kahalagahan ng single standard sa pamumuno at "leadership by example."
Samantala, binigyang diin naman ni Lacson na sakaling mahalal sya bilang Pangulo sa 2022, ang magiging basehan nya sa pagpili ng mga opisyal sa gobyerno ay ang kanilang kwalipikasyon, kakayahan at integridad sa pamumuno ng isang ahensya.
"In appointing people to handle matters like health and the economy, you cannot base your choice on the person's background. You have to look at the person's qualification and competence for the job, along with his or her integrity," paliwanag ni Lacson.
Sinabi rin ni Lacson na bagamat magiging patuloy ang giyera laban sa ilegal na droga, susundin ng kanilang administrasyon ang holistic formula ni Sotto kung saan bukod sa law enforcement, bibigyang pansin din ang drug abuse prevention.
"Tama si Senate President Sotto, hindi lang puro law enforcement. Dapat holistic ang approach laban sa droga," ani Lacson.
*********
0 comments:
Post a Comment