Ping: Joint Venture sa WPS Kasama ang China, Dapat Sundin ang Ating Konstitusyon
Oktubre 31, 2021 - Bukas si Senador Ping Lacson na pumasok ang Pilipinas sa isang joint venture agreement kasama ang China sa pagde-develop ng West Philippine Sea - sa kondisyon na dapat sundin ng China ang 60-40 provision sa ating Konstitusyon.
Ani Lacson sa isang presidential forum, ipinapakita nito na pagmamay-ari ng Pilipinas ang naturang teritoryo at may soberenya tayo rito.
"As long as they adhere to the Constitutional provision of 60-40, I am all for it. If it's 60-40 it shows we 'own,' we have sovereign rights over the area," ani Lacson sa isang forum na inorganisa ng Financial Executives Institute of the Philippines, Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Cignal TV at The Manila Times.
"If they would adhere to 60-40, I'm all for it. If not we should go back and review our security situation," dagdag nito.
Sa ilalim ng Sec. 2, Art. XII ng 1987 Constitution, maaaring pumasok ang bansa sa isang co-production, joint venture, o production-sharing agreement kasama ang mga Filipino citizen, mga korporasyon o mga asosasyon sa kondisyon na pagmamay-ari ng mga ito ang 60 porsyento ng kapital.
Ibinahagi ni Lacson ang impormasyong mayaman ang West Philippine Sea sa natural gas at langis na maaaring matugunan ang mga pangangailangan ng ating bansa sa enerhiya, at nagpadala na ang China ng mga geologist para magsaliksik sa lugar noon pang 1968.
Ngunit binigyang diin ni Lacson na kung hindi papayag ang China sa 60-40 rule, maaaring humingi ng tulong ang Pilipinas sa ibang mga bansa na mayroon tayong bilateral agreement.
Ang mga bansa tulad ng Australia at Japan at maging ang European Union ay nagpahayag kamakailan ng naisin na magpatrolya sa lugar upang masiguro na mananatiling bukas sa maritime trade ang West Philippine Sea.
"We should seize the opportunity," ani Lacson.
*********
0 comments:
Post a Comment