Ping: Ex-PS-DBM OIC Lao, Sabit sa Anti-Graft Law
Oktubre 28, 2021 - Kumbinsido si Senador Ping Lacson na nilabag ng dating OIC ng Department of Budget and Management Procurement Service (PS-DBM) na si Lloyd Christopher Lao ang Anti-Graft Law dahil sa pagbibigay nya ng malalaking kontrata sa Pharmally Pharmaceuticals Corp. kahit na walang pinansyal na kapasidad ang kumpanya base sa kanilang Net Financial Contracting Capacity (NFCC).
Sa Senate Blue Ribbon hearing hinggil sa iregularidad sa procurement ng medical supplies bilang pag-responde sa pandemya, inilahad ni Lacson na ang Pharmally ay may net working capital na P599,450 at maaari lamang itong bigyan ng kontrata na nagkakahalaga ng P5.994 milyon.
Ngunit sa kabila nito, nakuha ng Pharmally ang una nitong kontrata na nagkakahalaga ng P13.86 million - mahigit doble sa maximum na maaari nilang makuha - at nakakuha pa ng pangalawang kontrata na nagkakahalaga ng P54 milyon, lahat sa loob lamang ng isang taon base sa mga dokumento na ibinahagi ni Lacson sa pagdinig.
"Bakit una pa lang na delivery, nasa P13 milyon agad mahigit? May violation agad dito," ani Lacson.
"They have no financial capability pero pinapasok nila," dagdag ng senador.
Rekomendasyon ni Lacson kay Senate Blue Ribbon panel chairman Richard Gordon na isama sa kanyang preliminary committee report na may malinaw na paglabag si Lao sa Anti-Graft Law, bunsod ng kanyang hindi pagsunod sa administrative requirement.
Binigyang diin din ni Lacson na inabuso ni Lao ang kanyang posisyon, o kaya'y hindi nito sinunod ang mga probisyon ng Procurement Law.
"Mag-agree kayo sa akin, in-exceed ni Lao ang kanyang authority o hindi sinunod ang alituntunin sa Procurement Law, na times 10 lang ng maximum sa net working capital," diin ni Lacson.
Ayon sa senador, kasama ang NFCC sa mga eligibility documents na kailangang isumite ng bidders sa ilalim ng Government Procurement Policy Board (GPPB) Resolution 16-2020.
Base sa Statement of Financial Position ng Pharmally noong 2019, may net working capital ang kumpanya ng P599,450, at NFCC na hanggang P5,994,500 lamang.
"Dapat maximum na makuhang kontrata ng Pharmally, hindi lalampas ng P5.9 milyon," giit ni Lacson.
Sa kabila nito, nabigyan ang Pharmally ng umaabot sa P11.11 billion na kontrata mula sa gobyerno, sabi ng senador.
"Hindi dapat bigyan ng kontrata na higit sa 10 times ng net working capital. Lumampas sila. Nasundan pa ito ng katakot-takot na delivery," ani Lacson.
*********
0 comments:
Post a Comment