Ping: Aabot na sa P120,000 ang Utang ng Bawat Pilipino
Oktubre 30, 2021 (MEXICO, Pampanga) - Bawat Pilipino, maging ang mga kapapanganak pa lamang, ay may katakut-takot na utang na umaabot na sa P120,000, ngayong pumatak na sa P11.82 trilyon ang kabuuang utang ng bansa nitong Setyembre, pagsisiwalat ni Senador Ping Lacson nitong Biyernes.
Ayon kay Lacson na dumalo rito para sa Online Kumustahan nila ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III, tinatayang aabot na sa P13.84 trilyon na ang utang ng bansa pagdating ng Hunyo 2022.
Napalala pa nito ang mga problemang dinulot ng pandemya lalo na sa kalusugan ng mamamayan at ekonomiya ng bansa.
"Ang pandemya di natin alam kailan matatapos. Pangalawa, dulot ng pandemya, lumobo ang ating pambansang utang," ani Lacson.
Aniya, bagama't P5.9 trilyon ang utang ng bansa noong nagsimula ang administrasyong Duterte, nakikinita na lolobo pa ito sa P13.42 trilyon pagdating ng Hunyo 30, 2022.
Ayon sa Bureau of Treasury nitong Biyernes, nasa P11.92 trilyon na ang utang bansa noong huling linggo ng Setyembre.
"Pag ganito kalaki ang utang natin, ang projected nating population sa June 2022, 111 milyon na tayo - bawa’t isa sa atin, pati ang pinapanganak sa oras na ito may taglay na utang na P120,000," paliwanag ng senador.
Ang mas malala pa rito, hindi lamang ito ang tanging problema ng bansa kundi pati na rin ang isyu ng kapayapaan at soberenya sa West Philippine Sea.
Para kay Lacson na tatakbo sa pagka-Pangulo sa ilalim ng Partido Reporma kasama si Sotto na tatakbo naman bilang kandidato sa pagka-Bise-Presidente sa ilalim ng Nationalist People's Coalition, kailangang harapin ng susunod na lider ng bansa ang mga problemang ito habang nag-iisip ng solusyon para tuluyang makabangon ang Pilipinas mula sa pandemya.
Muli niyang binigyang diin ang panukala na palakasin ang mga lokal na pamahalaan sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng sapat na pondo para maipatupad ang mga development projects tulad ng mga programang pangkabuhayan para sa mga drayber at senior citizen, at mas maayos na "ayuda" para sa mga pamilyang naapektuhan ng pandemya.
Isinusulong ni Lacson ang pagbigay ng sapat na kapangyarihan sa LGU sa pamamagitan ng kanyang adbokasiya na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).
"Walang nakakaalam ng prayoridad at pangangailangan more than the local government officials," ani Lacson.
Dagdag pa ng presidential aspirant, kailangan ng maayos na paggamit ng pondo ng bansa kabilang na rito ang P5.024-trilyong badyet para sa 2022.
Plano rin ni Lacson na wakasan na ang korapsyon sa pamamagitan ng mahigpit na disiplina sa loob ng burukrasya at pamumuno na may integridad at katapatan, o leadership by example.
Naikwento rin ni Lacson na di nya makakalimutan ang Pampanga dahil dito siya nagdiwang ng Pasko noong 1992 at Bagong Taon noong 1993 kasama ang kanyang mga tauhan habang nagsasagawa sila noon ng technical surveillance laban kay Alfredo "Joey" de Leon na lider ng kidnap-for-ransom gang.
Pinuno noon si Lacson ng Presidential Anti-Crime Commission Task Force Habagat, na naatasang sugpuin ang kidnapping, holdap at iba pang mga krimen.
"Our then chairman, then Vice President Joseph Estrada, gave us until yearend 1992 to stop the gang. We got the job done in February 1993 when de Leon was killed in an encounter at the boundary of Pampanga and Bulacan," ani Lacson.
*********
0 comments:
Post a Comment