Ping, Kinuwestiyon ang Tila Pamumulitika ng ‘Global Coalition’ sa PNP
Oktubre 5, 2021 - Kinuwestyon ni Senador Panfilo Lacson nitong Martes ang umano’y “global coalition” sa Philippine National Police na maaaring magamit sa pamumulitika.
Ayon sa senador, kahina-hinala ang pakay ng "Global Coalition of Lingkod Bayan Advocacy Support Groups and Force Multipliers," na inilunsad noong ika-25 ng Hunyo nitong taon.
"The last time I heard, the PNP is a territorial force. It is supposed to address internal threats. Why a 'global coalition'? Bakit kailangan ng force multiplier na global, e internal threat tayo? Mukhang OFWs ang target nito," tanong ni Lacson sa PNP sa kanyang interpelasyon sa badyet ng Department of Interior and Local Government.
"I'll be blunt... Pampulitika ito ng Community Relations,” ani Lacson.
Noong mga nakaraang buwan lamang, pinuna rin ni Lacson ang pangunguha ng datos tulad ng email address at phone numbers na pinangunahan ng PNP Police Community Relations Unit na noo'y sa ilalim ni Police Maj. Gen. Rhodel Sermonia. Binatikos din ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. si Sermonia dahil sa pangangampanya nito noong 2019 midterm elections gamit ang resources ng mga embahada.
Ang ipinagtataka ni Lacson, na namuno sa PNP mula 1999 to 2001, ay kung bakit kailangan ng PNP ng force multipliers sa ibang bansa at teritoryo tulad ng Dubai, Saudi Arabia at Hong Kong, kung ang mandato lamang ng PNP ay tugunan ang mga banta sa loob ng bansa.
Hindi kumbinsido ang senador sa pagsisiguro ni PNP chief Guillermo Eleazar na ang mga aktibidad na ito ay para makipag-ugnayan lamang sa publiko at hindi para sa pamumulitika. “The nomenclature itself suggests otherwise," ani Lacson.
"Naghahanap kayo ng member sa areas na maraming OFWs. How can they help enhance the anti-criminality campaign of the PNP that is supposed to address only internal threats? Di ko ma-reconcile," sabi ni Lacson.
Dagdag pa ng senador, kung ang “global coalition” na ito ay hindi para sa pamumulitika, dapat na tanggalin na lamang ang tawag dito bilang isang “Global Coalition.”
Kinuwestyon pa ni Lacson ang paggamit sa ibang mga ahensya ng gobyerno para mamulitika, kasama na rito ang isa na namang pag-atake sa kanya sa social media.
Ayon kay Lacson, noong pinuna niya ang “Global Coalition,” inatake siya noong ika-20 ng Setyembre sa opisyal na Facebook at Twitter accounts ng National Task Force to End Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), partikular mula sa opisina ni Undersecretary Lorraine Badoy.
Ang mga pag-atake na ito, na kinalauna’y tinanggal na rin sa social media, ay nagpapakita ng pahayag mula sa dating miyembro ng New People’s Army na si Jeffrey Celiz.
"Kung hindi pulitika ito I don’t know what is," diin ng senador.
*********
0 comments:
Post a Comment