Pag-Download ng Pondo ng HFEP para sa District Hospitals, Isinulong ni Ping
Oktubre 5, 2021 - Para masiguro na makukuha ng mga district hospital ang kinakailangan nilang pondo, isinulong ni Senador Panfilo Lacson nitong Martes ang pag-decentralize sa pondo ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) mula sa Department of Health central office.
Ani Lacson, daing ng mga opisyal sa mga lokal na pamahalaan na bagama't nasa lugar nila ang mga district hospitals, ang mga pondo para rito ay nakalagay pa rin sa DOH central office.
"Bakante or kulang ang facilities or unmanned ang district hospitals, because DOH sometimes is slow in downloading or procuring equipment for district hospitals. Hindi nagkaroon ng serbisyong totoo sa district hospitals," pahayag ni Lacson kasabay ng kanyang pagbusisi sa badyet ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa taong 2022.
Panukala rin ng senador na siguruhing ang mga lokal na unit na ang magpapatupad at bibili ng mga kailangan nilang pasilidad at kagamitan para sa kani-kanilang district at provincial hospitals.
"I think for the 2022 budget, we should itemize and even earmark already funds for the HFEP and even personnel that will man the district hospitals. Kulang na kulang ang pondo sa ibang provinces especially the poorer ones, nakatiwangwang sa district hospitals," diin ni Lacson.
Dagdag pa ni Lacson, na matagal nang ipinaglalaban ang pag-download ng pondo para sa mga proyekto ng LGUs, matutugunan nito ang kasalukuyang problema ng DOH kung saan palaki nang palaki ang parte ng kanilang badyet na hindi nagagamit.
"Ang nangyayari ngayon, ang laki ng unused appropriation sa DOH," paliwanag ng senador.
Sinang-ayunan naman ito ni Senate local government panel chairman Francis Tolentino.
Sa kabilang banda, binigyang diin muli ni Lacson ang kanyang panawagan para sa partisipasyon ng civil society organizations sa pagpaplano ng mga proyekto sa mga lokal na unit o probinsya.
Ayon kay Lacson, may ibang LGUs na hindi nag-iimbita ng CSOs sa pagpa-plano dahil nakakaantala umano ang mga ito sa preparasyon ng local development plans. Sa 1,452 LGUs, 87 porsyento lamang sa mga ito ang sumusunod sa requirement na magsama ng CSOs sa pagpaplano ng mga lokal na proyekto.
"I always emphasize the importance of citizens' participation. I’m encouraging that in committee hearings at the national level, there should be at least observers or resource persons from CSOs. But my question is, in actual practice, are they really actively participating?" tanong ni Lacson.
*********
0 comments:
Post a Comment