Wednesday, March 23, 2022

Ping, Handang Ialay Muli ang Buhay para sa Sambayanang Pilipino

Marso 23, 2022 - Sa kabila ng kanyang pag-alay ng buhay sa serbisyo publiko sa loob ng mahigit limang dekada, sinabi ni Senador Ping Lacson na handa siyang ialay muli sa bayan ang kanyang buhay at karanasan - bilang susunod na lider ng bansa.


Sinabi ni Lacson nitong Sabado ng gabi na ang kanyang kwalipikasyon, katapangan at karanasan ay sapat para mapamunuan nang maayos ang sambayanang Pilipino.


"Mula sa pagiging sundalo at alagad ng batas na lumaban sa terorismo, rebeldeng komunista at pusakal na kriminal; bilang Chief PNP na nagpatino at naglinis ng hanay ng kapulisan; bilang Senador na kailanman hindi nabahiran ng korapsyon, nais ko pong ipagpatuloy na magsilbi sa ating bayan," ani Lacson sa kanyang closing statement sa kauna-unahang presidential debate ng Comelec.


Dalawampung taong nanilbihan si Lacson sa Philippine Constabulary, sampung taon sa PNP at 18 taon sa Senado. Nagsilbi rin siya bilang Presidential Assistant on Rehabilitation and Recovery na tumulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Yolanda.


Bilang law enforcer at mambabatas, hindi na bago kay Lacson ang magkaroon ng kaaway dahil sa kanyang paninindigan sa istrikto at tapat na pamamahala.


Binigyang diin din ng Partido Reporma standard-bearer na sa lahat ng kumakandidato ngayon sa pagka-Pangulo, siya lamang ang nag-alay ng kanyang buhay bilang serbisyo sa mamamayang Pilipino.


Aniya, nahaharap ngayon ang bansa sa napakaraming problema, mula sa ating ekonomiya na lubhang naapektuhan ng pandemya at tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine; lumolobong utang na higit na sa P12 trilyon; at korapsyon sa gobyerno.


"Among all the Presidential aspirants — narito man o laging absent — walang sinuman kundi ako ang sadya at aktwal na nagsugal ng sariling buhay sa pagligtas sa panganib ng sinuman," saad ni Lacson.


Para sa presidential aspirant, kailangan ng bansa ng lider na tapat, kwalipikado at may sapat na karanasan para gawing realidad ang mga pangako at plataporma.


"It takes a leader who is competent, qualified and experienced, to turn the promises of unity, Bilis Aksyon, Angat Buhay into reality. Kailangan natin ng Pangulo na handang ipaglaban kayong lahat para ipanalo ang sambayanang Pilipino," ani Lacson.


*********



0 comments:

Post a Comment

Popular Posts

Recent Posts

The Leaders We Need!

Text Widget

Blog Archive

Search This Blog

Powered by Blogger.

Blogger templates

Pages

Blogroll

Blogger news

Weekly post