Sunday, August 1, 2021



SUPORTA KAY LACSON BUMUHOS SA CENTRAL LUZON 


    Iba't-ibang sectoral leaders at organizations sa Central Luzon ang nagsanib pwersa nitong Lunes para magbigay ng kanilang todo suporta kay Senador Panfilo "Ping" Lacson sa pagtakbo nito sa 2022 presidential election. 

    Sa isang press conference na ginanap sa Mavins Events Center, San Leonardo, Nueva Ecija, inilunsad ng mga sectoral leaders ang Central Luzon for Ping Lacson 2022 (CenLuzon4Ping). Ayon sa grupo, ang higit na kailangan ng bansa, matapos ang anim na taong na walang kakayahan at walang direksyon na pamamahala, ay isang pinuno na may "tapang, talino at katapatan." Sabi ng grupo, si Lacson ang nagtataglay ng mga katangiang ito. 

    "Aanhin natin ang tapang na walang talino, at talino na walang katatagan? Ang kailangan natin ay isang lider na hindi lamang matapang, kundi may sapat na katalinuhan at kakayahan para tumbasan ang kanyang katapangan," ayon kay  G. Teofilo "Booji" Juatco, isang lider magsasaka  at Land Reform defender sa lalawigan ng Nueva Ecija.

    “Mula noong siya ay isang pulis at naging Senador, naging tuloy-tuloy o consistent si Senator Ping para labanan ang corruption, lalo na ang lahat ng porma ng pork barrel funds.  Hindi siya kailanman gumamit ng pork barrel. Dahil dito, mahigit P2 bilyon halaga ng taxpayers' money ang naprotektahan at napunta sa mga mahahalagang panlipunang serbisyo at programa," dagdag pa ni  G. Juatco.

    Pinuri din ng grupo si Lacson sa kanyang pagdepensa sa West Philippine Sea laban sa panghihimasok ng bansang Tsina. "Si Senator Ping ang isa sa mga pangunahing boses sa Senado na nagtatanggol sa karapatan at kagalingan ng maliliit na mangingisdang Pilipino  laban sa Tsina," ayon sa grupo. 

    Para ipakita ang kanilang suporta kay Lacson, nagdala ang mga sectoral leaders ng mga "service" and/or "call bells" at kanila itong sabay-sabay na pinatunog. Ani ng grupo, sinisimbolo nito ang walang puknat  at maaasahang serbisyo ni Lacson sa mamamayang Pilipino. 

    Bukod dito, pumirma din ang mga lider ng iba't-ibang organisasyon mula sa Pampanga, Bulacan, Zambales, Bataan at Nueva Ecija sa isang malaking manifesto na nagdedeklara ng suporta sa Senador. 

    Ang CenLuzon4Ping ay binubuo ng iba’t ibang sectoral leaders mula sa mga magsasaka, manggagawang bukid, mangingisda, maliliit na negosyante, mga kabataan, kababaihan at dating mga kawani ng lokal na pamahalaan at pambansang ahensya na nagkaisa para isulong ang kasarinlan ng bansa, labanan ang corruption, itaguyod ang science-based programs para mapigilan ang pandemya at iangat ang kabuhayan ng mga Pilipino.




 

0 comments:

Post a Comment

Popular Posts

Recent Posts

The Leaders We Need!

Text Widget

Blog Archive

Search This Blog

Powered by Blogger.

Blogger templates

Pages

Blogroll

Blogger news

Weekly post