Agosto 10, 2021
Ping Nabahala sa Pagkumpirma ng PNP Chief sa 'Data-Gathering'
Nakakabahala.
Ito ang naging paglalarawan ni Senador Panfilo Lacson sa pag-amin ni Philippine National Police (PNP) Chief Guillermo Eleazar sa nagaganap na data-gathering activities sa ilang mga barangay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bagama’t una na ito pinabulaanan ng PNP, tuloy-tuloy pa rin ang nabanggit na aktibidad, batay sa huling impormasyong nakakarating kay Lacson na namuno sa ahensiya mula 1999 hanggang 2001.
"The Chief PNP’s admission that such data-gathering activities are going on (and still going on, as per latest information received) is alarming. Being their former chief, I cannot allow the PNP to engage in partisan politics and be 'bastardized', worse - using public funds," banggit ni Lacson sa kanyang Twitter account.
Una na ring isiniwalat ng mambabatas ang mga ulat na nakakarating sa kanya tungkol sa pagkakaugnay ng PNP sa "census" activities, gamit ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na pinabulaanan naman ng ahensiya.
Ayon sa mambabatas, dapat na magpaliwanag si Police Maj. Gen. Rodel Sermonia, director ng PNP Police Community Relations, tungkol sa gawaing ito.
Sa naunang panayam sa DZBB nitong Linggo, isiniwalat ni Lacson na batay sa mga impormasyon nakakalap niya, may partisipasyon si Sermonia sa pangangalap ng datos kabilang na ang mga email address at numero ng telepono.
Nitong Martes naman, isiniwalat ng mambabatas na si Sermonia ay una nang nabatikos ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa pangangampanya noong 2019 midterm elections gamit ang mga pag-aari ng mga embahada ng Pilipinas sa ibayong dagat.
"The same misguided PNP officer that SFA Locsin 'lambasted' for raising funds and campaigning in the 2019 midterm elections while using the resources of several of our country’s embassies around the globe. He has since been promoted to his present rank," ani Lacson sa kanyang tweet.
Nitong Martes, binanggit naman ni Eleazar sa panayam ng ANC na ang data-gathering activities ay ginagawa ng ibang grupo pero kung may partisipasyon ang PNP, "it has to be stopped."
Katuwiran ni Eleazar, ang Police Community Relations (PCR) na pinamumunuan ni Sermonia ay humihikayat lamang ng dagdag puwersa sa mga "advocacy groups." Pinaalalahanan umano niya si Sermonia na hindi dapat pilitan ang pagsapi sa mga aktibidad na ito.
0 comments:
Post a Comment