Tuesday, September 7, 2021

 TALUMPATI NI SENATE PRESIDENT TITO SOTTO Paghahayag ng Kandidatura sa Pagka-Pangalawang Pangulo Setyempre 8, 2021

Mga minamahal kong kababayan,

Ang inyo pong lingkod ay naririto upang harapin ang hamon sa tamang panahon na maging kandidato ninyo sa pagka-Pangalawang Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Nguni’t higit sa lahat, ako po ay humaharap sa inyo upang hingiin ang inyong tiwala. Tiwala na babangon muli ang bansa. Tiwala na magkakaroon muli ng pag-asa. Ang inyong matibay na paniniwala na, sama-sama ay kakayanin nating ipanumbalik ang tiwala natin sa ating mahal na bansang Pilipinas.

Humaharap po tayo sa mga matitinding suliranin:

Bagsak na ekonomiya;

Pagkalat at pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa;

Laganap na korapsyon;

Paghihirap ng mga Pilipino.

At gaya ng dati, ang mga ordinaryong tao, ang mga salat sa karangyaan, ang mga dukha, ang mga mahihirap ang nakakaranas ng matinding pagdurusa.

Nguni’t ang mas malubhang problema ay ang kawalan ng pag-asa. Huwag na huwag yan ang mawawala.

Marami sa atin ay hindi alam kung kanino na magtitiwala, o kung ano ang paniniwalaan.

Marahil, dumating na tayo sa punto na hindi na natin kayang ipagsawalang bahala na lamang ang mga nangyayari – sa ating gobyerno, sa ekonomiya.

Tama na!

Kailangan na nating tumugon!

Kailangan na nating umaksyon!

Kailangan na natin magsanib pwersa upang mapigilan at maitama ang mali.

Ito na ang simula.

Kami po ay naririto sa inyong harapan dahil sa pagmamahal namin sa ating lupang sinilangan.

Dahil naniniwala kami sa inyo, aming mga kababayan;

Dahil ninanais namin na magtanim at magbigay ng pag-asa sa puso at kaisipan ng bawa’t Pilipino;

Dahil alam namin na ito na ang aming huling pagkakataon para gawin ang nararapat upang maisalba ang kinabukasan ng henerasyon ngayon at ng mga susunod pa;

Subali’t higit pa sa aking mga nabanggit, naririto kami dahil kami ay naniniwala na sa ating pagtutulungan, tayo ay magtatagumpay.

Pinapangako namin na hindi kami titigil sa laban na ito hanggang hindi nanunumbalik ang kaayusan ng ating bansa. Pangako iyan!

At kapag kami ang nangako, hindi mapapako!

Ito po ay hindi tungkol kay Lacson at Sotto. Ito ay tungkol sa inyo!

Kayo ang nais naming pagsilbihan. Ang mga nananahimik. Ang mga simple at ordinaryong mamamayan.

Si Senador Lacson at ako ay naririto para sa magandang kinabukasang karapat-dapat para sa inyo.

Sa pamamaraan na hindi dadaan sa korapsyon, bagkus ay pagbuwag ng korapsyon!

Pamamaraan na hindi nandaraya sa batas at kaayusan, bagkus ay nakabatay sa batas at disiplina!

Ito ang kadahilanan kaya kami ay nakasentro sa tiwala.

Ang isang lipunan ay lalago lamang kung mayroong tiwala:

Tiwala sa kanilang institusyon.

Tiwala sa Hukom.

Tiwala sa Kapulisan.

Tiwala sa gobyerno.

Tiwala sa mga namumuno.

Tiwala sa mga mamamayan. Tiwala sa isa’t-isa.

Hindi tiwali.

Ito po ang aming hinahain! Ito ang aming laban!

Ang baguhin ang sistema!

Kailangan natin ng bansang may pagpapahalaga sa moralidad.

Pagod na ang taumbayan. Pagod nang mamuhay sa kadiliman – sa buhay na di matanaw ang inaasam na magandang kinabukasan para sa sarili at sa bansa.

Mayroon pong kasabihang, “pinakamadilim bago magbukang liwayway.” Sa tulong at patnubay ng Diyos Ama, ang mahal na Panginoon, at sa sama-sama nating pagsisikap, hindi magtatagal, sisikatan din ng liwanag ang ating minamahal na Pilipinas.

Maraming salamat po at Mabuhay ang Pilipinas!



0 comments:

Post a Comment

Popular Posts

Recent Posts

The Leaders We Need!

Text Widget

Blog Archive

Search This Blog

Powered by Blogger.

Blogger templates

Pages

Blogroll

Blogger news

Weekly post