Ogie Diaz paniwalang ‘di kawatan si Lacson
KOMEDYANTE man naturingan pero sa usapin tungkol sa bayan natin ay seryoso naman si Ogie Diaz.
Kamakailan lang ay may nasabi si Ogie hinggil sa katangian ni Sen. Ping Lacson na kakandidatong presidente na nagustuhan niya.
Maliban sa pagiging komedyante at talent manager, ratsada rin ngayong pandemic si Ogie bilang vlogger at content creator.
May mga Youtube channel siya na ang isa ay para sa interbyu ng mga personalidad, at ang isa ay showbiz roundup.
Panalo si Ogie sa rami ng subscribers sa dalawang channel niya maliban pa sa kanyang mga socmed account partikular saTwitter na mas vocal si Ogie sa paghahayag niya ng political views.
Sa isang vlog niya sa showbiz, nabanggit niya ang pagtatanggol ni Iwa Moto sa biyenang si Sen. Ping na tuloy na sa pagtakbong pangulo sa 2022 katambal si Senate President Tito Sotto na siya niyang bise-presidente.
Sey nga ni Ogie, dapat lang anya na idepensa ni Iwa si Lacson dahil biyenan niya ito. Inayunan din ni Ogie ang sinabi ni Iwa na hindi kawatan ang senador.
Pahayag ni Ogie sa kasama niya sa vlog: “Totoo ‘to, hindi siya [Ping] magnanakaw. Kasi alam mo bang hindi tumatanggap si Senador Ping ng pork barrel bilang senador…Magkano rin ‘yon, mga P200 million isang taon.”
“Kahit naman ako, gusto ko rin yung integridad ni Senator Ping. Kaya nga naloloka ako kung bakit ‘di niya tinatanggap yung pork barrel,” dagdag nito.
Ang pork barrel o priority assitance development fund ay pondo para sa mga kongresista at senador. Pero sapul nang maging mambabatas, hindi tinanggap ni Ping ang kanyang pork barrel funds dahil pinag-uugatan anya ito ng katiwalian.
*********
0 comments:
Post a Comment