Walang kahirap-hirap na nakopo ng Pharmally Pharmaceuticals Corp. ang malaking bahagi ng P42-bilyong kontrata sa Department of Budget Procurement Service (PS-DBM).
Isiniwalat ito ni Senador Panfilo Lacson sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga anomalya sa pagtugon ng pamahalaan sa pandemya.
Ibinatay ito ni Lacson sa dokumento buhat sa DBM na nagsasabing sa 45 suppliers, nakopo ng Pharmally ang 26.39 porsiyento na kabilang sa P42 bilyon na inilipat ng Department of Health (DOH) sa PS-DBM.
"Out of 44 other suppliers, Pharmally ang No. 1, and you bagged 26.39% of the P42 billion transferred by DOH to the PS-DBM even with a P625,000 initial capitalization," banggit ni Lacson kay Pharmally Director Linconn Ong sa naturang pagdinig.
"We’d like to find out from PS-DBM. Ito ba ang kultura sa PS-DBM, ang bulk more than 26% of contracts napunta sa Pharmally? Or this is unusual? Or this is very special?" tanong ni Lacson.
Nagtataka rin si Lacson sa pagbili ng mga maluluhong sasakyan ng mga opisyal ng Pharmally matapos na makopo ang nabanggit na kontrata.
Ayon sa mambabatas, ang ibang negosyanteng kumita sa unang pagkakataon ay pinapagulong ang kinita upang madagdagan ang puhunan na taliwas aniya sa ginawa ng mga taga-Pharmally.
Una nang napaamin ni Lacson ang Pharmally employee na si Krizle Mago na nagbigay ng utos sa isa nilang bodegero na palitan ang expiry date mula 2020 tungo sa 2021 ng mga face masks na para sa PS-DBM.
Sa pag-amin ni Mago, ginawa niya umano ito bilang empleyado sa utos ng nakakataas sa kanya na kalaunan ay tinukoy niyang si Mohit Dargani.
"Who ordered you to give the instruction to the warehouseman to remove the label? I suppose it was not on your own initiative you gave that instruction?" Tanong ni Lacson kay Mago, na tinugon naman ng huli na bilang si Dargani.
Inamin din ni Mago na nagpatuloy ang kanyang pakikipagpalitan ng email, sa atas ng nakakataas sa kanya, sa PS-DBM kahit pa na-deliver na ang mga face masks na in-order ng ahensiya.
"Why did you respond to the PS-DBM's email when the day before, you already delivered what was asked of your company? What was the purpose of sending the response?" tanong ni Lacson.
Inungkat din ni Lacson ang Tigerphil Marketing Corp., na pinanggaligan ng face masks ng Pharmally, at kung paano ito nakabenta ng P21.51 milyon sa Pharmally nitong 2020 gayung ang audited financial statement para sa 2020 ay P3.479 milyon lamang.
Matapos nito ay inamin ni Tigerphil president Albert Sy na nagbayad sila ng P553,886.88 na amended tax returns nitong Biyernes - matapos simulan ng Senado ang pagdinig.
"If the Blue Ribbon Committee did not conduct the hearing, would you pay the amended tax returns?" banggit ni Lacson kasabay ng pagsasabing hindi totoong walang nangyayari sa mga ginagawan pagdinig ng Senado.
"Maski papano, nagbayad. So hindi totoong walang nangyayari sa pagdinig nating ito," banggit ng mambabatas.
Nagtataka din si Lacson kung paano nahanap ng Tigerphil ang Green Trends na pinagkuhanan nito ng face masks para sa Phaarmally gayung ang Green Trends ay may kaduda-dudang address.
Binalaan din ni Lacson si Pharmally Director Linconn Ong na ililipat ito Pasay City Jail dahil sa patuloy na pag-iwas na sagutin ang mga tanong.
Iginigiit umano ni Ong na mahal ang kanilang benta dahil sa kakulangan ng suplay pero agad naman itong nakapagdeliver sa PS-DBM tatlong oras lamang matapos ang komunikasyon ng ahensiya.
"Pag patuloy nagsisinungaling si Mr. Ong, the committee might decide to transfer him to Pasay City Jail instead of enjoying life in the Senate," diin ni Lacson.
*********
0 comments:
Post a Comment