Thursday, September 30, 2021

 Ang Lider na Kailangan ng Ating Bansa Ngayon

Setyembre 30, 2021 - Ang pagtakbo sa pagka-Pangulo ng bansa ay hindi dapat nakatuon sa personalidad. Sa halip, ito ay dapat magmula sa tapat na naisin na paunlarin ang buhay ng ating mga kababayan na malubha na ang dinadanas dahil sa kawalan ng kakayahan ng namumuno, at sa laganap na korapsyon na kagagawan ng mga nasa kapangyarihan na pinabayaan ang konsensya dahil sa ganid sa pera.


Kung hindi pa tayo nagigising sa katotohanan, patuloy ang ating pakikipaglaban sa Covid-19 at ang mga kaakibat na problema ng bayan:


* kahirapan at kagutuman dahil sa malawakang kawalan ng trabaho at pagsasara ng mga negosyo at establisimyento;

* limpak-limpak na utang ng gobyerno at nakababahalang budget deficit;

* matinding kompetisyon sa ating mga kalapit na bansa sa Asya para sa foreign investments at turismo na mananatilin kahit matapos na ang pandemya


Sa kabilang banda, nahaharap tayo sa patuloy na agresibong "incursion" sa ating katubigan sa West Philippine Sea, na naglalagay sa panganib sa ating soberenya at territorial rights.


Hindi na natin masikmura ang katulad na uri o "more of the same" na pamamalakad lalo na sa napakahalagang yugto na ito ng ating kasaysayan. Alam na dapat natin sa ngayon na hindi na ito uubra.


Kailangan natin ng isang tunay na lider, hindi mapagpanggap na pinuno. Kailangan natin ng lider na may track record ng maayos na paglilingkod at hindi lamang OJT; kailangan natin ng may subok na na katapatan at integridad sa serbisyo publiko at hindi lamang lip service at pawang kasinungalingan.


Kailangan natin ng pinuno na ibabase ang desisyon sa masusing pagpaplano at konsultasyon sa mga eksperto at siyensya, hindi trial-and-error dahil buhay at kaligtasan ng ating mamamayan ang nakataya dito.


Higit sa lahat, kailangan natin ng lider na gagamitin nang maayos ang pambansang badyet para maghatid ng makabuluhang serbisyo para sa bayan lalo na sa mga sektor ng kalusugan, edukasyon at pangkabuhayan gayundin sa pagsasaayos ng imprastruktura sa buong bansa kabilang na ang mga nasa kanayunan at probinsya nang walang pinipiling kaibigan o kaalyado at wala ring halong pananakot sa sinuman.


Ito ang uri ng pamumuno na kailangan at nararapat na maranasan ng sambayanang Pilipino. Pinakamahusay lang para sa Pilipino!


*********



0 comments:

Post a Comment

Popular Posts

Recent Posts

The Leaders We Need!

Text Widget

Blog Archive

Search This Blog

Powered by Blogger.

Blogger templates

Pages

Blogroll

Blogger news

Weekly post