Dalawang malalakas na sampal ang tumama sa mga Pinoy sa panahon ng pandemya dahil sa mahigit na P63 bilyong hindi ginamit na pondo sa Bayanihan 2 - kasama ang P46.397 bilyon na "undisbursed" at P17.23 bilyong "unobligated," ayon kay Senador Panfilo Lacson nitong Lunes.
Isiniwalat ito ni Lacson matapos ang pagsasaliksik ng mga naturang datos bunga ng unang akusasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na sinabi umano ng mambabatas na mababa ang paggugol ng pamahalaan sa mga pondo nito ngayong pandemya.
"We should keep in mind that underspending is determined not by fund releases but by obligations and disbursements. And based on my research, is there underspending? Yes!" banggit ni Lacson sa panayam ng Radyo 5.
Sa ilalim ng obligation, tungkulin ng isang ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng kinatawan nito, na gumugol sa isang partikular na pagkakagastusan, kung saan ang ahensiya ay awtorisado lamang na magkaroon ng obligasyon sa mga gastusin na naaayon sa responsibilidad nito, at sa ilalaan ng Department of Budget and Management (DBM).
Ang disbursement ay nauukol sa pagbayad ng isang obligasyon, kasama ang cash at non-cash transactions at alinsunod sa mga umiiral na patakaran.
"Thus, funds are deemed obligated when the contracts for the projects have been signed. Funds are deemed disbursed when the funds are actually paid to the suppliers," paliwanag ni Lacson.
Ipinaliwanag din ng mambabatas na ang pagpapalabas ng DBM ng pondo ng iba’t ibang ahensiya ay hindi batayan ng underspending dahil ang mga pondo ay nakatengga pa rin naman sa mga ahensya at hindi pa nakakarating sa mga dapat maabutan.
Ayon pa sa mambabatas, obligasyon at disbursements ang tamang batayan ng underspending o mababang paggasta sa pera ng pamahalaan.
"Releasing the funds is a step toward spending but it is not spending itself. Just because the DBM released the funds does not mean the funds are spent. If the implementing agencies that got the funds from the DBM are incompetent, the funds won't reach the beneficiaries," paliwanag ni Lacson.
"The bad thing is that Bayanihan 2 already expired last June 30. Those who were denied the funds will no longer get aid unless a new law can be passed," dagdag ng mambabatas.
Gamit ang huling tala ng DBM, binanggit ni Lacson na sa P205.117 bilyon na nakapaloob sa ilalim ng Bayanihan 2, nagkaroon ng obligasyon ang mga ahensya na umabot sa P187.844 bilyon, na kumakatawan sa 91.58 porsiyento ang obligation rate; nguni't nasa P141.447 bilyon lamang ang inilabas o na-disburse, na kumakatawan sa 75.30 porsiyento na disbursement rate, habang nasa 24.7 porsiyento ang hindi nailabas.
"This can be considered huge underspending with P46.397 billion undisbursed and P17.273 billion unobligated,” ayon pa kay Lacson.
Dahil sa naturang pangyayari sa Bayanihan funds na nagtapos ang implementasyon noong Hunyo 30, binanggit ng mambabatas na napagkaitan ng mga kinakailangang ayuda ang maraming Pinoy na naghikahos dahil sa pandemya.
Kabilang sa mga hindi naabot ng tulong ay ang mga nasa “online learning program” ng Department of Education, pati na rin ang mga public utility vehicle drivers.
"If the money was not fully disbursed, the affected Filipinos suffer because they are denied the aid meant for them," ayon kay Lacson.
"It is a disservice to many, to say the least," dugtong ng mambabatas.
0 comments:
Post a Comment