Sunday, January 2, 2022

Ping: Pet Projects ng mga Mambabatas, Kailangang Dumaan sa Pagpaplano, Konsultasyon

Enero 1, 2022 - Sa 2022 at sa mga susunod na taon, kailangan nang dumaan sa masusing pagpaplano at konsultasyon sa lokal na otoridad at ahensya ang mga development projects ng mga mambabatas.


Ayon kay Senador Ping Lacson, hindi na kaya pa ng bansa na magsayang muli ng bilyun-bilyong pondo na unutilized funds dahil sa korapsyon na may kinalaman sa "pork."


"Kailangan dumaan sa masusing pagpaplano. Maski mag-'insert' ka basta may consultation," ani Lacson, na nakilala sa kanyang paghaharang sa bilyun-bilyong kwestyonableng proyekto sa taunang pagbubusisi sa national budget.


Sa kanyang panayam sa TeleRadyo noong Dec. 29, ibinahagi ni Lacson na tinatayang P300 billion kada taon sa badyet mula 2011 hanggang 2020 ang hindi nagagamit dahil hindi dumaan sa wastong pagpaplano o konsultasyon ang mga proyekto na ipinasok ng ibang mambabatas sa pambansang badyet.


Aniya, bagama't may karapatan ang mga mambabatas na amyendahan ang National Expenditure Program - o ang bersyon na isinusumite sa Kongreso ng Malacanang - sa pamamagitan ng pag-"insert" ng mga proyekto, wala dapat itong kaakibat na komisyon.


"Karapatan ng mambabatas mag-amend sa NEP. Ang masama kung kumuha ng 20-40% depende sa katakawan. Yan ang mahirap sikmurahin," giit ni Lacson.


"Kaya may P300 bilyon per year, from 2011 to 2020, na unused appropriations. Ini-insert kasi sa Congress. Paano i-implement ng ahensya yun, ng DPWH," dagdag ng senador.


Ang malala pa dito, patuloy aniya na naghihirap ang taumbayan habang ang mga tiwali ay patuloy na nagbubulsa ng pera.


"Ang kasuklam-suklam, pag may commission ang proyekto. Naghihirap ang Pilipinas, pagkatapos napupunta sa bulsa ng ilang tiwali at matatakaw sa pera," diin ni Lacson.


*********



0 comments:

Post a Comment

Popular Posts

Recent Posts

The Leaders We Need!

Text Widget

Search This Blog

Powered by Blogger.

Blogger templates

Pages

Blogroll

Blogger news

Weekly post